Isa ito sa mga ipinagtataka ko noon. Yung tumataas ang sweldo, pero hindi naman makaipon. And I’m sure hindi lang ako ang ganito. Maraming makaka-relate.

So, bakit nga ba hindi makaipon kahit na tumataas naman ang sweldo?

#1 Pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation

Ito naman talaga ang una nating sisisihin, di ba? Kesyo yung dagdag sa sweldo ay kulang pa kung ikukumpara sa nadagdag sa presyo ng bilihin. Pwedeng tama, pero hindi iyan palaging tama. Kasi, may mga nakilala ako na ganyan ang dahilan kung bakit hindi makaipon. Pero palagi namang nasa mall at namimili ng kung anu-ano.

#2 Pagtaas ng antas ng pamumuhay

Upgrade! Syempre, may dagdag sweldo kaya ang nasa isip ay mag-level up din dapat ang pamumuhay. Hindi naman iyan masama. Kasi kaya ka nga nagtatrabaho para umangat ang antas ng iyong pamumuhay, di ba? Pero dapat naman siguro ay mag limit. Halimbawa, nagkaroon ka ng increase sa sweldo ng 10%. Huwag naman sanang ubusin mo ang 10% na iyon para sa pag-level up ng antas ng pamumuhay mo. Pwede naman na 5% lang. Level up pa rin naman yun, di ba?

#3 Luho

Lahat tayo ay may luho. Aminin natin iyan. Mayroon tayong pinagkakagastusan na kung iisipin natin ay wala naman kwenta pero gusto pa rin nating bilihin. Halimbawa na lamang ay mga collection ng mga laruan o kahit na anong bagay. Para sa iba, walang kwenta yan. Pero para sa nagko-collection, isa yan sa nakakapagbigay ng saya.

Masama ba yan? Hindi. Pero gaya sa nabanggit na kanina, dapat ay may limitasyon. Kung hindi maiiwasan, isama sa budget. Syempre, dapat ay ipon muna bago luho.

#4 Bisyo

Walang ipon ang karamihan sa mga Pilipino dahil may bisyo. Ang masama pa niyan, hindi lang iisa ang bisyo ng ibang tao. Yung iba, dalawang bisyo o higit pa. Magkakaiba rin ang presyo ng mga bisyong yan. Pero ang lahat ng bisyo na yan ay walang ibang ginagawa kundi ubusin ang iyong pera. Pwedeng sa una ay nagiging masaya ka o napapasaya ka ng bisyo mo. Pero kalaunan, mari-realized mo na lang na sinisira na pala nito ang buhay mo. Maswerte ka kung ma-realized mo agad ang bagay na yan. Dahil kung hindi, habang-buhay mo na iyang dadalahin.

#5 Wala silang Goal. 

Ito naman ay para doon sa mga taong may pangarap sa buhay pero puro pangarap lang. Walang Goal. At dahil sa walang goal, wala ring action. Gaya dapat ay may goal. At para makaipon, dapat ay may financial goal o ipon goal. 

#6 Napapaligiran sila ng mga magagastos.

Isa ito sa pinakamahirap na ma-overcome, peer pressure. Yung kahit todo tipid ka, tapos napapaligiran ka ng mga magagastos. Napakahirap. Kaya bilib ako sa mga taong kayang paglabanan ang mga ganyang klase ng pressure. Mas bilib pa ako sa mga taong kaya namang impluwensyahan yung mga magagastos para maging matipid.

#7 Maraming bayarin.

Hindi naman tayo nauubusan ng bayarin. Parami nang parami yan kung hindi natin pipigilan. Isama na diyan ang utang. Yung iba, umiikot na lang ang mundo sa pagtatrabaho para makabayad ng utang. Pero hindi pa rin maubos ang kanilang utang.

Bakit?

Kasi nagiging cycle na. Trabaho >> Sweldo >> Bayad Utang >> Mangungutang para may pang gastos >> Trabaho. Kaya hangga’t nariyan ang utang, mahirap talagang makaipon. Good thing, may mga easy steps naman para makawala sa utang. Check this link if gusto mo talagang makawala na sa mga utang mo:

>> Basahin: Easy Steps Para Makawala sa Utang

#8 Hindi uso.

Karamihan kasi sa mga Pilipino ay nakikisabay sa uso. At ang uso ay ang gumastos. Hindi uso ang mag-ipon kaya hindi rin sila nag-iipon. Kaya kami, pinipilit naming pausuhin ang pag-iipon para makasabay naman ang ibang mga nakikiuso. Chos!

#9 Wala o Kulang sa Financial Education.

Kahit kasi malaki ang sweldo ng isang tao, kung hindi naman niya alam kung paano hawakan nang maayos ang kanyang pera, mabilis lang din iyang mauubos. Nangyayari ito sa totoong buhay. Marami ang nagkakaroon ng milyon pero makalipas ang ilang buwan, mahirap na ulit. At ang masaklap pa diyan ay nagkakautang pa. Kaya naman napakahalagang magkaroon ng financial education.

Hindi naman kailangang gumastos nang malaki para magkaroon ng financial education. Magbasa lamang ng mga libro ay marami nang matututunan. Ang hirap din kasi sa iba ay gustong matuto pero ayaw naman magbasa. May solusyon naman. Marami na rin ngayong videos na nagtuturo ng mga bagay na may kinalaman sa pera. 

Madami pang dahilan yan. Sabi nga sa kasabihan natin, “… Kapag ayaw, maraming dahilan.” Kaya naman, hangga’t ayaw mong mag-ipon, dadami nang dadami yang mga dahilan na yan para lang hindi ka makaipon. Pero kapag nag-decide ka naman na mag-iipon ka na at gustong gusto mo na, syempre, diyan naman papasok yung kalahati ng kasabihan natin, “Kung gusto, may paraan.” 

Ang tanong, handa ka bang gumawa ng paraan?

So, what do you have in mind? Ano’ng mga paraan kaya ang gagawin mo para makapagsimula ka nang makapag-ipon?

error: Content is protected !!