Ang emergency fund ay perang naitabi mo para magamit sa mga panahon ng emergency o kagipitan. Pwede mo itong gamitin kung sakaling magkakaroon ng biglaang pagkakasakit at pambayad sa ospital o kaya naman ay pondo mo kung sakaling mawalan ka ng pagkakakitaan o iba pang emergency situations. So, ang tanong, may emergency fund ka ba?
Hindi mo alam kung anong klaseng emergency ang pwedeng dumating sa buhay mo. Pwedeng malala, pwede rin namang wala. Kaya naman mas makabubuting paghandaan na lang para hindi maubusan. Alam mo na.
Kailangan ba talaga ang emergency fund?
Para sa akin, oo. Hindi dahil nag-e-expect ako ng emergency ha? At hindi rin dahil sa sinabi ng ibang eksperto. Pero dahil sa alam ko at naranasan ko nang maipit sa emergency nang walang pera. At ang naging resulta ay utang.
Bukod sa luho, pangunahing dahilan ng pagkalubog sa utang ay ang mga biglaang emergency. Halimbawa na lamang ay ang biglaang pagsasara ng isang kumpanya. Kung sakaling wala kang emergency fund, gaano ka katagal makaka-survive o makakahanap ulit ng trabaho?
So, mahalagang may emergency fund.
Magkano dapat ang emergency fund?
Syempre, mahirap naman biglain ang pagkakaroon ng emergency fund. Kailangan mo itong i-build. Nasa iyo na lang kung gaano katagal mo ito bubunuin. Pero, syempre, mas mabilis, mas okay. Kasi hindi mo nga alam kung kailan dadating ang emergency, kaya kailangan mong bilisan.
#1 Alamin ang gastos
Una sa lahat, dapat ay alam mo kung magkano ang gastos mo. Wala ka munang gagawin kundi kilalanin mo ang sarili mong paggastos. Ito ang magiging basehan ng magiging emergency fund mo. So, kumuha ka ng papel o notebook at ilista mo lahat – daily, weekly, monthly. Masyadong oldschool yata yung papel at notebook. Sige, gamit ka na lang ng kahit na anong app. Kahit spreadsheet app lang ay okay na.
[Total Monthly Gastos] = _________
#2 Multiply
Kapag alam mo na kung magkano ang iyong gastos, i-MULTIPLY mo ito ng 6. Bakit 6? Palagay ko naman ay safe na yung 6 months na may panggastos ka kung sakaling magkakaroon ng emergency. Pero nasa iyo na yan. Pwede mong palitan iyang 6 na iyan. Pwede mo gawing mas mababa o mas mataas. Mas mataas, mas okay. Pero alalahanin din na hindi lang naman emergency ang kailangang pag-ipunan.
Kung magastos ka, malaki ang kailangang emergency fund mo. Kung hindi ka naman gastador, makaka-survive ka kahit sa maliit na emergency fund.
[Total Monthly Gastos] x [Multiplier] = [Emergency Fund]
₱15,000 x 6 = ₱90,000
#3 Planuhin
Planuhin mo kung paano mo mapupuno ang emergency fund mo. Magkano ang ilalaan mo dito kada sweldo?
Sabi ko nga, mas mabilis na mapupuno ang emergency fund, mas mabuti. So mas mabuti na paglaanan mo ng malaking halaga kada sweldo para mapuno mo agad.
[Emergency Fund] / [Monthly Allocation] = [Time to Complete]
₱90,000 / ₱1,000 = 90 months
₱90,000 / ₱3,000 = 30 months
#4 Simulan
Sundin mo ang ginawa mong plano. Ikaw ang gumawa ng sarili mong plano kaya huwag mong lokohin ang sarili mo. Kapag sinabi mong magtatabi ka ng ₱3,000 kada buwan para sa emergency fund, gawin mo.
Maipapayo ko na ilagay mo ang emergency fund mo sa banko. Mahalaga kasi na accessible sa iyo ang pera sa panahon ng emergency. Mas safe sa banko kesa sa alkansya.
May emergency fund na ako, kailangan ko pa ba ng insurance?
Oo naman! Kayang i-cover ng emergency fund ang mga gastusin mo sa mga emergency situations. Pero sa insurance, mas may laban ka. Protektado ang income mo talaga. Kailangan ito lalong lalo ka kung may sariling pamilya ka na kasi hindi lang pansariling gastos ang iisipin mo kundi pati gastusin ng buong pamilya. Kung kailangan mo ng advice tungkol sa insurance, pwede kang mag-sign up gamit ang form na ito >> .
Hindi madaling bunuin ang pagkakaroon ng emergency fund. Pero kapag nakumpleto mo ang goal mo, malaking tulong at mas makakahinga ka ng maluwag dahil alam mong kahit may darating ma problema, nakahanda ka.