Maraming bagay ang kailangan mong malaman at matutunan para makamit ang inaasam mong financial freedom. Actually, hindi lang kailangang malaman, kailangan mo ring maunawaan, maintindihan, at maisabuhay. Maraming bagay ang kailangan mong pag-aralan, maraming libro ang kailangan mong basahin, maraming video ang kailangan mong panoorin. But wait, there’s more! Kakailanganin mo rin ng inspirasyon at sangkatutak na motivation para dito. Pero may dalawang bagay ang masasabi kong pinakamahalaga.
Tama, dalawang bagay lang. Kasi, ang dalawang bagay na ito ang magiging hudyat mo para makapagsimula, magpatuloy, at magtagumpay. Ang mga ito ay kailangang lagi mong binabalik-balikan. Hindi naman para hindi makalimutan kundi para malaman mo kung nasaan ka na.
Ayan na! Nakapagbitaw na ako ng clue. Pero sige, sabihin ko na nga kahit na hindi mo naman ako pinipilit. Dalawang bagay: (1) kung nasaan ka ngayon at (2) kung saan ka patungo.
Nasaan ka ngayon?
Hindi ito ang lugar na kinatatayuan mo ngayon. Ang tinutukoy natin dito ay estado mo ngayon financially.
Napakahalagang alam mo ang bagay na ito dahil dito mo kailangang magsimula. Ito ang magiging baseline mo, ito ang starting line mo.
Kasama dito ang pag-alam mo sa mga sumusunod:
- Magkano ang kinikita mo kada buwan?
- Magkano ang gastos mo kada buwan?
- Magkano ang laman ng bank account mo?
- Magkano ang utang mo?
Masasagot ng mga tanong na iyan kung nasaan ka ngayon. Masasagot niyan kung ano ang estado mo financially. At mula diyan, alam mo na kung nasaan ka. Malalaman mo na kung saan ka dapat muna magpunta.
Saan ka patungo?
Muli, hindi ito lugar sa mundo kung saan mo gusto magpunta. Ito ay ang magiging financial goal mo.
Una, ano ang ultimate financial goal mo? Ang yumaman? Pwede! Ultimate goal naman di ba? Pero, syempre, dapat S.M.A.R.T. goal.
Pangalawa, ano ang mga stop-over goals mo? O pwede rin nating tawagin na level goals.
Ito naman yung mga goals na madadaanan mo habang papalapit ka sa ultimate goal mo. Ang suggestion ko ay i-base mo ito sa kung nasaan ka ngayon. Kung may utang ka, i-goal mo na maubos ang lahat ng utang mo. Kung maliit ang kinikita mo, i-goal mo na madagdagan ang kinikita mo o mabawasan ang gastos mo. Kahit alin ay pwede mo namang unahin. Kasi, lahat naman iyan ay interrelated sa isa’t isa. Kumbaga, magkakaroon ka lang ng isang focus muna. Pero sandali, paalala ko lang ulit, dapat ang mga goals mo, maliit man o malaki, dapat ay S.M.A.R.T. goals.
Bakit mahalaga ang dalawang bagay na ito?
Familiar ka ba sa Uber, Grab, Hype o kahit na ano pang TNVS app. Kapag kailangan mong magpa-book ng ride sa mga app na ito, kailangan mong i-set kung saan ang pick-up point at kung saan ang destination point. Kapag mali ang inilagay mong pick-up point, hindi makakarating ang driver sa iyo at hindi ka makakaalis. Kung mali naman ang destination point mo, hindi ka naman maiihatid ng driver.
Napakahalagang alam mo kung nasaan ka. At syempre, kailangang malinaw sa iyo kung saan ang iyong destinasyon. Dahil kung hindi, maliligaw ka.
Ngayon, tanungin mo na ang sarili mo. Nasaan ka ngayon? At saan ka patungo?