“Begin with the end in mind.”
– Stephen R. Covey
Narinig o nabasa mo na ba ang mga katagang iyan? Ano ba ang ibig sabihin niyan? Kakasimula mo pa lang pero iisipin mo na kaagad ang katapusan? Kakapasok mo pa lang sa school o sa trabaho, uwian na kaagad ang nasa isip mo? Mali naman iyon. Iba naman kasi ang gustong iparating ng mga katagang iyan.
Ang ibig sabihin ng salitang “end” sa katagang iyan ay “goal”. Magsimula ka na iniisip ang iyong goal o layunin. Pwedeng isang malaking goal o kaya naman ay maliliit na mga goals.
Alam ko, marami kang goal sa buhay – career goals, love life goals, may mga friendship goals ka pa at relationship goals. At ang goal na iyan ang makapagsasabi kung naging matagumpay ka. Hindi ko alam kung ano ang goal mo. Pero alam kong gusto mong marating ang goal mo na iyon.
Sa article na ito, isang goal ang pag-uusapan natin. Pwedeng hindi ito kasali sa mga goal mo sa ngayon. O kaya naman ay kasali ito sa mga goal mo pero hindi masyadong malinaw dahil natatakpan ng ibang “priority” mo. Pag-usapan natin ngayon ang financial goal.
Ano ang Financial Goal?
Ang financial goal ay ang goal mo nga financially. Ang linaw ng description ko, ano? Pero self-explanatory naman kasi. Kagaya na lang ng ibang goals mo. Pero huhulaan ko, ang financial goal mo ay ang yumaman. Hindi mo naman siguro papangarapin na maghirap di ba? O kaya pwede rin naman na yung “sakto lang”, makakain lang ng tatlong beses sa isang araw at may panggastos. Panggastos sa magarang cellphone (hindi basta-bastang cellphone, dapat malupit na pang-selfie), load (Syempre, ang ganda ng phone mo pero naka-free data ka at free messenger? Ano ba naman yan?), damit na maporma, pabango, relo, sapatos, pang-rebond, make-up, pambayad sa computer shop o pambili na ng laptop para maglaro, pang-date, pambili ng flowers, chocolates, at kung anu-ano pa. O di ba? Gusto mo ngang yumaman dahil gusto mong mabili ang mga gusto mo.
Bakit kailangang may Financial Goal ka?
Mahalaga ang pagkakaroon ng financial goal. Bakit nga ba?
- Dahil gaya ng iba mo pang goal sa buhay, ito ang magiging batayan kung naging matagumpay ka.
- Kung mayroon kang financial goal, gagawa ka ng paraan para maabot mo ito at hindi ka gagawa ng bagay na magiging dahilan para mapalayo ka sa financial goal mo.
- Ang financial goal mo ang magsisilbing “tala” sa iyo kapag sa palagay mo ay naliligaw ka na.
- Magsisilbi itong inspirasyon, bukod sa iba mo pang inspirasyon sa buhay. Mas marami ka na ngayong dahilan para magtagumpay.
Paano mag-set ng Financial Goal?
Kailangan pa bang mag-set ng financial goal? Simple lang naman ang financial goal, di ba? Ang yumaman. Well, tama nga naman. Pero ang tanong lang, kailan mo masasabing naging matagumpay ka? Kailan mo masasabing mayaman ka na? Financial freedom? Kailan at paano mo masasabing nakamit mo na ito?
Mayroon tayong tinatawag na SMART goals na maaari ring i-apply sa iyong financial goals. Ang isang SMART goal ay isang goal na mayroong limang katangian:
S – Specific
M – Measurable
A – Achievable
R – Realistic
T – Time-limited
- Specific dapat ang iyong goal. Dapat, tiyak. Tiyak mo kung ano ba ito. Dapat ay malinaw sa iyong puso at isip na ito ang goal mo. Kung ang goal mo ay makabayad ng utang, dapat tiyak ito sa isip mo na makabayad ng utang.
- Measurable dapat ang goal mo. Dapat ay nasusukat. Paano mo susukatin ang pagbabayad ng utang? Syempre dapat ay alam mo kung magkano ang utang mo kasama ang interes.
- Achievable dapat ang goal mo. Sobrang achievable ang makabayad ng utang. Maraming tao na ang nakaahon mula sa pagkalubog sa maraming utang. Hindi ito imposible.
- Realistic din dapat o makatotohanan. Makatotohanan ba ang maging utang-free o walang utang? Oo naman!
- Time-limited. Ang goal ay napapanis at nae-expire. Hanggang kailan mo kailangang magbayad ng utang. Bigyan mo ang sarili mo ng deadline kung hanggang kailan mo kailangang mabayaran ang iyong mga pagkakautang.
So, ano na ang financial goal mo? Maging utang-free? Magkapuhunan? Share mo naman sa amin sa comment at i-share mo rin sa kung anu-ano ang mga ginagawa mo para makamit ang financial goals mo.