Hindi na siguro dapat pang pagtalunan ang kahalagahan ng pera sa buhay ng tao sa ngayon, hindi ba? Obvious na iyan! Karamihan sa atin ay nagpapakapagod magtrabaho para kumita ng pera. Kailangan natin ang pera, at ang problema nga lang ay kung paano tayo magkakapera. Kaya naman, napakahalaga na may alam tayo kung paano kumita ng pera o kung paano magpalago ng pera. Sabi nga nila, lamang ang may alam.
Para naman sa paghahanap ng paraan kung paano magkapera (trabaho o career, negosyo, pag-i-invest), kung nais nating maging successful, kailangan nating pag-aralan ang mga nagawa na ng mga naging successful na. Halimbawa, kung nais mong mag-grow ang iyong career, pwede mong pag-aralan kung ano ang mga ginawa ng “Boss” mo para umangat ka rin. O kung sa negosyo man, pwede mong pag-aralan ang mga nagawa ng mga successful business persons. Pareho na rin sa investing.
Isa pa, kailangan mo ring open ka sa pagbabago ng mindset. Kahit kasi na alam mong kailangan mong maging successful o gusto mong maging successful, pero kapag wala yung passion sa puso at isip mo, wala rin. Kumbaga, puro ka plano. Handa ka na, o nakapagsimula ka na pero hindi ka makapagpatuloy. Wala rin. Wala ka ring mararating. Mindset and passion, then move forward.
Okay. Kapag nariyan na ang passion at mindset, diyan na pumapasok ang mga get-rich-quick na offer sa iba’t ibang tao o kumpanya. Syempre, gusto mo nang maging successful at kumita nang malaki, di ba? Kaya naman tine-take nila ang opportunity na yan para mapasok ka.
Ganito na lang. Isipin mo na lang palagi na walang get-rich-quick. Walang biglang yaman. Unless sa lotto mo gustong maging successful. Ang pagkakaroon ng yaman ay hindi parang isang microwave na mabilis magluto. Ang pagkakaroon ng yaman ay isang mabagal na proseso at maraming pinagdadaanan. Kaya kapag may nagsabi sa iyo na kaya ka nilang payamanin sa mabilis na paraan, umiwas ka na. Dahil walang gano’n!
Kailangang magbago rin ang iyong pagtingin sa pera. Oo, alam natin na mahalaga ang pera. At napakahalaga na alam natin kung paano magkaroon nito sa pinakamabilis na paraan. Pero ang mas mahalaga siguro ay yung alam natin kung paano magkaroon nito nang tama, paano ito gagamitin nang tama. Kapag alam natin yan, alam na rin natin na ang pera ay hindi madaling makuha kaya kapag nagkaroon nito ay hindi dapat na waldasin kaagad. Makikita na rin natin ang kahalagahan ng pag-iipon.
Naniniwala ako na kahit mga simpleng kaalaman sa pera kagaya nito ay kayang baguhin ang buhay sa mas maayos. Sabi nga nila, the more you know, the more you can apply. So, alam mo na ha? Bawal mahulog sa mga Get Rich Quick Schemes dahil kadalasan, iyan ay SCAM!