Marami ang hindi nakaka-appreciate sa kahalagahan ng personal finance o ng pagma-manage ng sariling pera dahil sa wala silang nakikitang “dahilan” para pahalagahan ito. Lalo na sa mga bata-batang edad, early 20s. Pero habang tumatanda tayo, doon na natin nakikita ang mga dahilan. Unti-unting naglalabasan yan. Nariyan yung may biglang magkakasakit tapos walang maipampagamot. Nariyan din yung mari-realized mo na lang na tumataas ang sweldo mo pero di ka nakakaipon. Marami pang iba.
Para nga sa akin, maswerte yung mga taong nakaranas kaagad ng hirap at nakita ang kahalagahan ng tamang pagma-manage ng pera. May mga tao kasi na naghihirap na pero hindi pa rin nakikita ang kahalagahan ng personal finance. So, hindi mo talaga kailangang maghirap para makita ang kahalagahan nito.
Maraming pwedeng dahilan kung bakit mahalaga ang pagma-manage ng pera. Iba’t iba sa bawat tao ang halaga ng personal finance. Kaya nga iyan tinawag na “personal”, kasi pansarili. Maaaring yung dahilan ko ay iba sa dahilan mo. Yung “why” ko ay iba sa “why” mo.
Just to give you some ideas kung bakit mahalaga ang personal finance, narito ang aking list.
Sagutin natin ang mga WHYs or BAKIT na ito:
- Bakit mahalaga ang personal finance?
- Bakit kailangan mong matutong mag-manage ng pera mo?
- Bakit mahalaga ang maging financial literate?
#1 Fulfill your needs.
Ito naman talaga ang pinakauna. NEEDS. Pinag-aaralan pa nga sa school ang basic needs ng isang tao para mabuhay di ba? Food, clothing, and shelter. Very good! *applause*
Pangunahing pangangailangan: pagkain, damit, tirahan. At alam mo, lahat iyan ay nangangailangan ng pera para magkaroon ka. Lalo na ngayon, naku! Pamahal na nang pamahal ang presyo ng mga bilihin lalo na sa pagkain. So, kailangan mong matuto ng personal finance para mapunan mo ang iyong mga basic na pangangailangan.
Yung pagkain, mas okay kung healthy foods. Huwag din naman sobra. Tandaan, pangangailangan, hindi katakawan. At huwag din naman sa mamahalin. Baka naman isang kainan mo pa lang sa mamahalin ay inubos mo na ang 1-week budget mo para lang makapag-post sa mga social media. Gastos pa more para may pang-instagram. Wag ganun!
Sa damit naman, kailangan ba branded at signatured? Well, nasa iyo naman yan. Porma mo yan e. Pero mas okay naman na siguro yung simpleng pormahan lang pero bulsa naman ay may laman. Kesa naman todo sa porma, wala namang laman ang bulsa at pitaka.
Sa tirahan naman, basta comfortable. Ano ba yung comfortable para sa iyo? Mansion? Just think about it. Pero may napanood ako, yung “Minimalism: A Documentary About the Important Things”. May isang part doon na sinabi na ang isang tao ay nag-a-adjust sa lugar kung nasaan siya. So, hindi mo talaga kailangan ng malaking lugar dahil kaya mong mag-adjust. If you have Netflix account, pwede niyong mapanood iyang documentary na iyan. Madami kayong matututunan. Pramis!
#2 Get “some” of your wants.
Ang magandang epekto kapag maayos ang pagma-manage sa pera ay nagkakaroon ng budget para sa mga “wants” – “some” of your wants.
Marami tayong gusto e. Alam naman natin na hindi lahat ng gusto ay dapat bilihin. Or let’s say na, hindi lahat ng gustong bilihin ay afford bilihin. Bibili ka ba ng isang bagay na magiging dahilan ng kahirapan mo? Syempre, hindi. Pero madalas, hindi natin alam. Akala lang natin ay hindi nagpapahirap sa atin. Gusto natin e.
Pero kung marunong kang mag-manage ng kaperahan mo, alam mo kung kailan mo “afford” bumili ng mga “wants” mo. Naiisama sa budget.
#3 Peace of mind
Alam mo ba yung feeling na hindi mo na alam kung saan ka pa kukuha ng pangkain sa kinabukasan? Isang kahig, isang tuka e. Kapag hindi ka nagtrabaho ngayon, wala kang kakainin sa mga susunod na araw. E nagkasakit pa! Wala kang pambili ng gamot. Iisipin mo kung saan ka kukuha ng pambili ng gamot. O bibili ka pa ba ng gamot? O yung pambili mo ng gamot ay ibibili na lang ng pagkain? Ang hirap!
Tapos, mangungutang ka.
Okay na, nakabili ka na ng gamot, nakakain ka pa. So, after 1 or more days, gumaling ka na. Balik na sa isang kahig at isang tuka.
Tapos, isang araw, may kakatok sa tinitirahan mo. Naniningil ng utang. Since, wala ka pang pambayad, pababalikin mo na lang. Makikiusap ka. Sa makatuwid, ang iniisip mo na ngayon ay hindi na lang pambili ng pagkain, kundi pati pambayad na rin ng utang.
Walang peace of mind.
Isang scenario pa lang iyan. Napakarami pa.
Pero alam mo, masosolusyunan iyan ng tamang pagiging financially literate. Kung marunong kang mag-manage ng pera mo. Hindi biglaan, pero unti-unti ay mararamdaman mo.
#4 Happiness
WHAT?!! Money can’t buy happiness!
Yes, money can’t buy happiness. But! Money can buy things that can make you less sad and make you really happy.
Kapag magkakasakit ka at wala kang pambili ng gamot. Or mas malubhang sakit at wala kang pampaospital. Masaya ka ba?
Kapag naubusan ng bigas o walang ulam, masaya ka ba?
Kapag mapuputulan na kayo ng kuryente o tubig at wala kang pambayad, masaya ka ba?
Kapag pagod na pagod ka na, sobrang stressed ka na sa trabaho. Sinabi mo kay Boss na baka pwede kang payagang magbakasyon. In-approve ang Vacation Leave mo nang ilang araw. Pero wala ka namang perang magamit para makapagbakasyon sa lugar na gusto mo. Masaya ka ba?
Ulitin ko lang, money can’t buy happiness.
#5 Contentment
Pagiging kuntento. Kung ang pagiging masaya nga ay hindi kayang bilihin ng pera, ang pagiging kuntento pa kaya? Sa totoo lang, maraming tao na hangga’t alam nilang may pambili sila, bibili na kaagad. Or kapag alam nilang may perang paparating, kahit hindi pa lumalapat sa kamay nila, ginagastos na. Advance mag-isip e. Guilty ako dito, NOON! Hindi kasi ako kuntento sa kung anong mayroon ako. Gusto ko kasi, yung mayroon ang iba ay mayroon din ako. Inggitero.
So, paano makakatulong ang personal finance dito?
Sa personal finance, makikita mo ang totoong value ng pera at ng ibang bagay. May mga bagay na akala mo noon ay nakakayaman, pero kapag natuto ka na, malalaman mong nakakapagpahirap pala. Akala mo noon ay may malaking halaga pero wala naman pala talaga.
Sa ganitong paraan, matututo tayong makuntento sa buhay. Maii-relate ko ito sa happiness. Kasi, hindi ka magkakaroon ng happiness hangga’t hindi ka kuntento. Maniwala ka dito. Masasabi mo lang na kuntento ka na, kapag masaya ka na.
#6 Be a blessing to others.
Kapag mahusay ka sa pananalapi, magkakaroon ka ng sobrang pera. Pwede kang mamili kung bibili ka ng bagay na “gusto” mo, or pwede rin naman na maging blessing ka sa ibang tao. Tumulong ka sa mga nangangailangan. Pwede kang mag-donate ng mga bagay or cash sa mga charity institutions. Or pwede rin naman na magsimula ka ng project na magtuturo sa ibang tao.
Goal ko ito dito sa Pera Thoughts. Sana one day, makapag-turo ako ng personal finance sa mga taong walang access dito sa site. Hopefully, soon.
Ayan! May idea ka na sa mga WHYs na tinutukoy ko. May maiidagdag ka ba? Pwede mong idagdag sa comment section at baka mai-add din natin dito sa post na ito.