May utang ka, at kaya ka narito sa article na ito ay gusto mong mabawasan at tuluyan nang maubos ang iyong utang. Tama ba?

Well, CONGRATULATIONS! Dahil nag-decide kang makaahon mula sa iyong pagkakautang. Hindi ka kasi kagaya ng iba na hahayaan na lang na mabaon sa limot ang utang nila. May intensyon kang magbayad. Yun nga lang, siguro, patuloy ang pagdating ng mga pagsubok sa iyo kaya nahihirapan kang magbayad. At, marahil ay nalugmok ka lang sa sitwasyon na hindi mo na alam ang dapat mong unahin sa dami na rin ng bayarin.

Don’t worry! Wag kang mag-alala. May mga tips dito na makakatulong sa iyo. Pero bago ko simulan at bago ka magpatuloy, i-set muna natin ang expectation mo.

Kapag nabasa mo ito, huwag mong i-expect na sa isang iglap ay mauubos ang utang mo. Hindi magic ang article na ito.

Ang mababasa mo dito ay tips lang or payo. Pwede mong gawin, pwedeng hindi. Kapag ginawa mo, mataas ang chance na makakabayad ka sa mga utang mo kahit pakonti-konti. Pero kung hindi mo naman gagawin, huwag kang mag-expect na may mangyayari. Action is needed.

So, simulan na natin.

#1 Decide

Actually, nasimulan mo na ito nung mag-decide ka sa sarili mo na magbabayad ka ng utang. Yan naman kasi ang kailangang unang mangyari talaga. Kasi kung hindi ka magde-decide, wala din. So, dito sa part na ito, mag-decide ka na gagawin mo ito. Hindi yung ningas-kugon ka o sa umpisa lang magaling.

#2 Stop

STOP! As in stop mo na ang pangungutang. Lubog ka na sa utang, huwag mo nang dagdagan pa. Hindi mo mapapalaya ang sarili mo sa utang kapag ganyan. Parang ililipat mo lang ang sarili mo sa ibang kulungan. Pero pareho pa rin iyang kulungan. Technique kasi ng iba ay mangungutang sa ibang tao o kaya sa ibang institusyon na nagpapautang para makapagbayad sa mga nautang pagkakautang. Mas mabuti kung stop na lang. Kung may credit card ka, huwag mo nang gamitin. Hindi yan instant pera, utang yan.

Basta kahit na ano pa man, huwag mo nang dagdagan pa ang iyong utang. STOP na. No excuses. Tama na ang pagbubutas sa sarili mong bulsa. Oras na para tahiin o tapalan mo ang mga tagas na umuubos sa pera na gastusin mo sa pang araw-araw.

#3 Locate

Kailangan mong i-locate o alamin kung nasaan ka. Hindi ito pisikal na location mo, pero pwede nating ihalintulad.

Ito kasing sitwasyon mo na nalubog ka sa utang ay parang isang unfamiliar place para sa iyo. Kumbaga, para kang naliligaw. Alam mo kung saan mo gustong magpunta pero hindi mo alam ang daan. Gusto mong makalabas pero hindi mo alam kung paano. Kaya naman, kung gusto mong makalabas, kailangan mo munang malaman kung nasaan ka. Magagawa mo yan sa pamamagitan ng paglilista. This may sound boring o kaya ay old school para sa iyo pero think of it as ito yung magiging mapa mo, or compass, or GPS.

  • Ilista mo ang lahat ng iyong pagkakautang at iyong pinagkakautangan. Gumamit ka ng notebook kung kailangan. O kaya mag-download ka ng Google Sheets (pwede sa web, pwede sa Android, pwede sa iOS) at doon mo ilista lahat. Kumpleto dapat. May interes man o wala. Isama mo sa lista ang principal amount at ang interes kung meron man at minimum payment.
  • Ilista mo ang lahat ng iyong pinagkakagastusan. LAHAT! Kahit barya pa yan. Huwag mong lokohin ang sarili mo sa part na ito. Huwag mong palampasin kahit baryang may napakaliit na halaga.
  • Ilista mo ang lahat ng iyong pinagkakakitaan – sweldo, raket, negosyo. Ilista mo lahat. Bawal ang kupit.

Yan! Ngayon alam mo na kung nasaan ka. Alam mong marami kang utang. Alam mong marami kang bayarin at pinagkakagastusan. Alam mong kulang ang iyong kinikita. Ngayon, paano ka makakalabas?

#4 Breath. Inhale. Exhale.

Alam mong nakaka-stress yang makita at mag-isip kung paano ka makakaahon sa utang. Mahirap talaga lalo ka kung marami kang utang. Isama mo pa ang kabi-kabilang bayarin at ang kulang na kinikita para mabayaran ang lahat. Pero kailangan mo kasi ng focus sa goal mo. Huwag kang tumingin sa kung magkano ang utang mo lang. Huwag kang tumingin sa kung magkano ang mga bayarin mo lang. At huwag kang tumingin sa kakulangan ng kinikita mo lang. Tumingin ka sa goal mo. At yun ay ang makalabas at makalaya sa utang.

Ang part na ito ay more on motivation. Inhale, exhale. Sabihin mo sa sarili mo na kaya mong harapin ang mga pagsubok na yan.

#5 Prioritize and Take Control

Ngayong nakapag-relax ka na, hindi na nakaka-overwhelmed ang mga pagsubok. At sa pagkakataong ito ay malinaw na sa iyo kung nasaan ka. Alam mo kung magkano ang pumapasok na pera, alam mo kung magkano ang lumalabas. So, ang kailangan mong gawin ngayon ay ang mag-PRIORITIZE para ma-gain mo yung CONTROL.

Gastusin

Yung listahan mo ng mga gastusin ang unahin mo. Tignan mo yang maigi. Pagnilayan mo. Tapos, tanungin mo ang sarili mo, “Alin dito ang mga dapat kong unang bigyan ng pansin? Alin dito ang PRIORITY ko?”

Syempre, PRIORITY mo ang pagkain, tirahan, tubig, kuryente, pamasahe. Other than those, alin pa? Milk tea? Pagkain/inumin yan pero dapat mo ba yang i-priority? Kung may bisyo ka, uunahin mo pa ba yun?

After mong mai-set ang iyong mga PRIORITY, alisin mo muna yung mga hindi dapat i-priority. As is huwag mo munang gastusan. O kung hindi naman pwedeng alisin sa gastusin, bawasan mo nang kalahati. Kung dati ay ₱ 1000 ang gastos mo sa load, gawin mong ₱ 500. Magkano kaya ang matitipid mo kapag ginawa mo yan? Ikaw lang ang makakaalam niyan. At ulitin ko lang ha?

Be honest on yourself. Huwag mong lokohin ang sarili mo. Kung hindi mo naman talaga at sobrang kailangan, huwag mong ipilit na kailanganin. Ang goal mo ay makawala sa utang, makabayad sa utang, hindi ang magpakasaya. Hindi ko sinabing malungkot ka ha? Maging masaya ka at positibo. At pwede mong gawin yan nang hindi gumagastos.

Utang

Ngayon, doon naman tayo sa listahan ng iyong mga utang. Syempre, kung isa lang naman ang pinagkakautangan mo ay hindi mo na kailangan itong part na ito. Pero kung marami kang pinagkakautangan, kailangang kailangan mo ito. Gagawa ka dito ng dalawang listahan.

Listahan ng Utang “A” (Debt Avalanche)

Dito sa listahan na ito, pagsunod-sunurin mo ang mga utang mo base sa laki ng interest, mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit. Debt avalanche ang tawag sa technique ng pagbabayad na ito.

Ang interest ang nagpapabigat sa mga binabayarang utang. Sa technique na ito, mas makakatipid ka at mas mabilis mong mababayaran ang iyong mga utang dahil target mo dito ay maubos kaagad ang utang na may pinakamataas na interest.

Listahan ng Utang “B” (Debt Snowball)

Dito naman sa listahan na ito, i-sort mo ang iyong mga utang base sa halaga. Mula naman ito sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking halaga. Hindi mo papansinin ang interest sa technique na ito.

Ang goal ng technique na ito ay ang mabawasan ang stress mo sa pagbabayad ng utang at magkaroon ng motivation. Uunahin mong ubusin ang pinakamaliit mong utang habang babayaran mo ng minimum ang iba.

Sa technique na ito, makikita mong mas mabilis mauubos ang nasa listahan mo ng mga utang. At sa utak mo ay magiging motivation iyon. Iba kasi sa feeling yung may nabura kang utang sa listahan. Mas magaan sa paghinga.

#6 Additional Income

Matapos mong gawin ang mga listahan ng priorities mo, baka ma-realize mo na kahit bali-biligtarin mo ang listahan ay wala ka pa ring magagawa kasi kulang ang kinikita mo. Kahit na bawasan mo ang gastos mo ay kulang pa rin. No choice ka na kundi humanap ng additional source of income. Dagdag income ha? Hindi dagdag utang.

Sa pagkakataong ito, bawal magdahilan. Lalo na kung ang idadahilan mo ay wala kang extra “time”.

Pareho lang ito sa ginawa natin kanina, yung pagpili ng priority. Uunahin mo ba ang gumala kesa sa humanap ng pagkakakitaan? Uunahin mo ba ang mga party at inuman kesa rumaket? It’s up to you.

#7 Take Action and Change Yourself

Nabanggit ko na kanina na ang mga ito ay tips lang, payo lang. Hindi mauubos ang utang mo kapag natapos mo na itong basahin. Makakawala ka lang sa utang mo kapag kumilos ka, kapag umaksyon ka. Okay lang naman na parang isang Action Star ka na dehado sa umpisa kahit hirap kang magbayad ng utang pero mananalo ka sa bandang huli at makakawala na sa mga utang mo.

Change yourself. Walang magbabago sa sitwasyon mo kung ikaw mismo ay hindi magbabago. Tigilan mo yang mga quotes na nagsasabi na “just be yourself”. Bakit? Kasi, d’yan sa “just be yourself” na yan ka nalubog sa utang. Yan pa rin ba ang gusto mo? Kung hindi, then change yourself. Change your lifestyle.

Alam mo ba yung minimalism or minimalist lifestyle? Ito ay isang uri ng lifestyle na ang gamit mo lang ay yung mga totoong kailangan mo. Mukhang boring, pero maniwala ka, mali ka d’yan. Hindi ko sinasabing maging minimalist ka. Binibigyan lang kita ng option.

Para magkaroon ka ng idea, you can watch this documentary sa Netflix >> Minimalism: A Documentary About the Important Things. Personal favorite ko ito. Ilang beses ko na ring napanood at patuloy kong gugustuhing panoorin kapag kailangan ko ng motivation.

Meron din akong review ng isang e-book tungkol sa isang Filipino Milimalist, si Darrah. If you need to learn more about minimalism, or gusto mong malaman ang buhay ng isang Pinay na minimalist, get a copy of her e-book. You can read my review here >> Juanderfulife: Minimalism for Pinoys (REVIEW).

#8 Be Consistent

Nabanggit ko na nga rin kanina, huwag kang ningas-kugon. Huwag pakitang-tao. Huwag sa umpisa lang magaling. Be consistent. Marami ang nagsasabi na “Consistency is the Key”. Naniniwala ako d’yan.

Napahaba na ang post ko. Dito ko na ito puputulin. Sana ay may napulot ka dito. For sure naman na makakatulong ito para makabayad ka na at makawala sa mga utang mo.

error: Content is protected !!