Narito ka ngayon kasi humahanap ka ng paraan kung makaipon ng pera nang mabilis, tama ba? Lagi na lang tayong nakakarinig o nakakabasa ng tungkol sa pag-iipon, sa bahay man o maging sa social media. Alam naman natin na napakahalaga talaga ng pag-iipon. Para may magamit kapag may emergency, para may pambili ng needs at wants sa future, para may pang-invest, at iba pa. Pero kahit na alam na natin yan, parang andami pa rin talaga nung mga dahilan kung bakit hindi natin nagagawang mag-ipon. 

Parang ganito yan. Alam natin ang dapat nating gawin, pero hindi natin alam kung paano, o kung paano gawin nang tama. At yan ang isa sa mga matututunan mo dito ngayon.

Tatanungin kita, mahirap ba ang mag-ipon? 

Sa aking palagay, mas marami ang magsasabi na mahirap mag-ipon. Kasi kung madali lang ang mag-ipon, malamang ay hindi gaanong marami ang mga taong nagkakaproblema sa pera.

Mahirap ang mag-ipon. Pero hindi ibig sabihin na imposible ito.

Wag kang mag-alala dahil may ituturo akong 6 na tricks kung paano makaipon ng pera nang mabilis. Ang mga ito ay psychological tricks na pwede mong gawin para mapwersa mo ang iyong isipan para mag-ipon. 

6 Psychological Tricks Para Makaipon ng Pera nang Mabilis

#1 Imagine your future (mayaman) self.

Magkakaiba tayo ng definition ng pagiging mayaman. May mga tao na para sa kanila, ang mayaman ay yung maraming pera na kayang bilihin ang kahit na anumang gusto niyang bilihin. Iyan ay para sa kanila. May mga tao naman na ang pagiging mayaman ay yung nakakapunta sila sa mga lugar na gusto nilang puntahan kahit na kailan pa man nila gustuhin nang walang ibang inaalala. Pero para sa iyo, ano ba ang pagiging mayaman? Imagine mo ang future self mo sa sarili mong depinisyon ng pagiging mayaman.

Palagi mo itong gawin at ituring na motivation mo.

Ito yung sinasabi nila na “start with an end in mind“. Magsisimula ka na nakikita mo yung goal mo. 

#2 Automatic deduction.

Mahirap mag-ipon. Pero sa pamamagitan ng automatic deduction, mas magiging madali na ang pag-iipon. Una, kasi automatic na ang pag-iipon. At pangalawa, hindi mo mahahawakan ang pera kaya mas malaki ang chance na hindi mo ito magagastos.

Paano ba itong automatic deduction?

Halimbawa, pwede mong i-set na tuwing petsa ng sweldo mo, automatic nang magbabawas ng para sa savings mo ang bangko mo at ilalagay ito automatically sa hiwalay mong bank account. Sa ganyang paraan, kung ano ang pera na matitira sa ATM mo, ay yun na lang ang pagkakasyahin mo sa gastusin mo. Di mo na aalalahanin ang ipon mo kasi automatic na sya.

Pero paano naman kung walang bank account?

Kung wala ka namang bank account, gawin mo na lang itong trick number three. Okay na okay ito kahit na sa alkansya ka pa nag-iipon. 

#3 Bigyan mo ng pangalan ang ipon mo.

Mahirap mag-ipon, lalo na kung wala kang pinag-iipunan. Pero iba kapag meron kang pinag-iipunan. Mas motivated ka. Pero mas magiging okay pa yan kung magiging connected ka sa ipon mo. At para magkaroon ka ng personal na connection sa ipon mo, bigyan mo sila ng pangalan na konektado sa buhay mo.

Basahin: Mga Bagay na Dapat Mong Pinag-iipunan

Halimbawa, yung isang alkansya mo, pangalanan mo ng Magandang Future ni Baby Junior. Yung isa naman ay Paborito kong BTS Album. At isa naman para sa Maintenance ni Mister.

Kapag nilagyan mo ng ganyan ang ipon mo, mapa-bank account man o alkansya, magdadalawang isip kang bawasan ang ipon mo at mamo-motivate ka naman na dagdagan ito, kasi inilaan mo na iyan para sa isang specific na bagay na konektado sa buhay mo. 

#4 Gumamit lang ng cash.

Convenience ang dala ng pagkakaroon ng credit card. Pero kapag wala kang kontrol, baka ito pa ang maging dahilan kung bakit ka mapupunta sa hindi magandang kalagayan. Hindi naman masama ang paggamit ng credit card kung ikaw ay disiplinado at kung alam mo kung paano i-take advantage ang mga promos na mayroon sila. Pero karamihan kasi sa mga taong nalulubog sa utang sa credit cards ay yung mga taong bili nang bili. Isa sa dahilan kung bakit sila bili nang bili ay hindi nila nakikita ang totoo nilang kapasidad sa pagbili. Kumbaga, hindi nila nakikita kung magkano pa ang kanilang pera.

Ito ang nabibigyan ng solusyon kapag bumibili ka gamit ang cash. Nakikita mo kasi kung magkano na lang ang laman ng wallet mo. Kapag kakaunti na ang laman ng wallet mo, mas mataas ang chance na hindi ka na bibili. 

#5 Mag-compute ka base sa kinikita mo kada oras.

Karamihan sa atin ay buwanan o kaya naman ay dalawang beses kada buwan kung sumuweldo. Pero iilan lang ang nakakaalam kung magkano nga ba ang kanilang kinikita kada oras. Kung alam mo kung magkano ang kinikita mo kada oras, maaaring magbago ang pananaw mo sa paggastos.

Halimbawa. Kung ikaw ay may sweldo na ₱ 12,000.00 kada buwan, nagtatrabaho ng 20 araw kada buwan, at 8 oras kada araw, ikaw ay kumikita ng ₱ 75.00 kada oras. Hindi pa kasama dyan yung mga kaltas ha?

Ngayon, kung bigla mong nagustuhan na bumili ng mamahaling kape na nagkakahalaga ng ₱ 120.00, isipin mo na lang na kailangan mong magtrabaho ng isang oras at kalahati para kitain mong muli ang perang gagastusin mo para sa mamahaling kape. Sa ganyang paraan, mas bibigyan mo na ng halaga ang pera mo kasi alam mo kung ilang oras ang ginugugol mo para kitain ito.

Itong Trick #5 ang favorite ko dito sa list natin kung paano makaipon ng pera nang mabilis. Kasi nag-iiba talaga yung pananaw ko sa pagbili kapag sa ganitong paraan ako nagko-compute.

#6 Mag-focus ka sa pagdadagdag ng income.

Kung gusto mo talagang mapabilis ang pag-iipon mo, kailangan mong gumawa ng paraan para magkaroon ka ng karagdagang income. Sa panahon ngayon, halos sapat lang kung iisa lang ang source of income mo. Kaya para sa mga financial goals mo, humanap ka ng iba mo pang pagkakakitaan. Gamitin mo ang free time mo para kumita ka ng pera. Isipin mo na lang na kapag nadagdagan ang kita mo, mas mabilis mo nang makakamit o mas mabilis mong mararating ang inisip mong future (mayaman) self.

Yan ang ating mga tips kung paano makaipon ng pera nang mabilis.

Maraming salamat sa pagbabasa. Sana ay marami kang natutunan at sana ay isabuhay mo ang mga ito dahil siguradong malaki ang maitutulong ng mga ito sa iyo.

Pwede mo ring mapanood ang video version ng blog post na ito dito sa ibaba o kaya naman ay sa Pera Thoughts Youtube Channel.

error: Content is protected !!