Bakit Maraming Pinoy ang Hindi Nag-iipon?

45 Shares

Nakakatawang isipin pero isa itong katotohanan. Na marami namang mga Pinoy ang naniniwala na kailangang mag-ipon para sa kinabikasan, pero marami rin ang hindi nag-iipon.

Ayon sa isang survey na isinagawa noong 2014 ng Bangko Sentral ng Pilipinas, isa lang sa kada apat na Pilipino ang nag-iipon o ang mayroong ipon.

Ibig sabihin, sa panahon ng kagipitan, mas maraming Pilipino ang mahihirapang makaahon. Kung sakaling maoospital, karamihan ay aasa sa kung ano lang na kayang ibigay ng gobyerno. At kung hindi matugunan ng gobyerno, wala nang magagawa kundi ang mangutang. Mas lalo nang hindi makakaipon.

Marami pang mga dahilan kung bakit hindi nag-iipon ang mga Pinoy. Isa-isahin natin:

#1 Kakaunti ang kinikita

Isa sa mga dahilan ay ang kakapiranggot na kita. Marami ang tinatawag na underpaid. Sila iyong mga tinatanggap na lang ang kahit na anong trabaho kahit na maliit lang ang sweldo para lang may maipakain sa pamilya. Hindi natin masisisi. Pero ang solusyon talaga dito ay maghanap pa ng iba pang pagkakakitaan. Pwede kang magsimula ng isang side hustle na makakatulong sa iyo.

#2 Malaki ang gastos

May mga tao na kahit malaki ang kinikita, mas malaki pa rin ang gastos. Malamang ay dahil ito sa spending habit o kaya naman ay bisyo. Ang solusyon sa problemang ito ay pababain ang gastos. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-alam kung saan napupunta ang pera. Ilista ang lahat ng pinagkakagastusan, gumawa at sundin ang budget.

#3 Hindi marunong kung paano mag-ipon

Itinuturo ng ating mga magulang na tayo ay dapat mag-ipon. Naaalala ko pa nga noon na palaging bilin sa akin ni Mama na mag-ipon daw ako kasi mahirap ang walang ipon. Pero ni minsan, hindi niya itinuro sa akin kung paano mag-ipon. Sa school, hindi rin itinuturo ang tamang pag-iipon. Kaya isa rin ako sa mga talaga namang nahirapan sa pag-iipon.

Pero may good news, dahil hindi kailangan kumuha pa ng kahit na anong kurso para makapag-ipon. Ang pag-iipon ay natututunan kahit sa sariling sikap lang. Kaya naman kung ang problema ay ang kulang sa kaalaman sa pag-iipon, maraming librong pwedeng makatulong. Maraming blogs, gaya nito sa Pera Thoughts. Ugaliin lang na magbasa.

#4 Walang dahilan kung bakit kailangang mag-ipon

Bukod sa kulang sa kaalaman sa pag-iipon, marami ang hindi pa nakakakita ng dahilan kung bakit kailangang mag-ipon kaya hindi pa nakakapagsimula. Iba rin kasi yung alam mo kung bakit ka nag-iipon. May motivation kasi yun. So, humanap ka ng dahilan para mag-ipon. Mayroon kami ditong listahan ng mga bagay na dapat mong pag-ipunan, baka makatulong sa iyo ang mga ito.

#5 Walang disiplina

May mga sumusubok naman na mag-ipon pero kadalasan ay sa simula lang magaling. Ningas-kugon. Kumbaga, walang disiplina kaya hindi rin maipagpatuloy ang pag-iipon. Ang solusyon naman dito ay i-build ang disiplina. Maraming pwedeng gawin. Pwedeng sumali sa mga ipon challenge. May weekly, may monthly at may yearly. Marami akong kakilala na na-build ang habit sa pag-iipon dahil sa mga ipon challenge.

#6 Baon sa utang

Ito na nga ang masaklap. Nalubog na sa utang kaya hindi na makaipon. Ang lahat ng kinikita ay napupunta na lang sa pambayad ng utang, tapos ay mangungutang ulit para mapunan naman ang pangangailangan. Napakahirap.

Bakit ko alam? Kasi naransan namin. At ang masasabi ko ay may pag-asa pa. Ang solusyon dito ay iba pang source of income at matindihang pagtitipid, disiplina. Syempre, huwag nang dagdagan ang utang. O kung hindi maiiwasa, pumili ng mas mababa ang interes. Matagal makaahon pero makakaahon pa rin.

#7 Matanda na para mag-ipon

Ang pag-iipon ay mas okay kung sisimulan habang mas bata pa. Pero hindi naman ibig sabihin nito na kapag mas may edad ka na ay hindi ka na mag-iipon. Ako nga, 30 na nang magsimulang mag-ipon. May asawa na at anak pero wala pang ipon. Pero dahil sa na-realize ko ang kahalagahan ng pag-iipon, nag-ipon pa rin ako. Pinagsisisihan ko na hindi ako nag-ipon noong nasa early 20s pa lang ako kahit na kaya ko namang mag-ipon. Pero walang magagawa kaya move on na lang. Ang mahalaga ay nakakapag-ipon na sa ngayon.

Yan ang mga dahilan kung bakit maraming Pinoy ang hindi nakakapag-ipon. Pero lahat naman ng dahilan na iyan ay sinamahan natin ng solusyon. Kaya kung ikaw ay wala pa ring ipon, maipapayo namin na simulan mo na.

Para sa Financial Freedom

Subscribe na sa aming mailing list at makatanggap diretso sa inbox mo ng mga tips kung paano magtipid, mag-ipon, kumita, at mag-invest.

Thank you for subscribing.

Something went wrong.

45 Shares
error: Content is protected !!