Walang duda! Kailangan ang pera para makapagsimula ng isang negosyo. Kaya naman ito ang nagiging dahilan o rason ng karamihan para hindi magsimula ng sariling negosyo. Kahit na gustuhin pa nila at pangarap nilang makapagnegosyo, hindi nila magawa dahil wala o kakaunti ang kanilang pera. Yung tipong sapat lang, o minsan ay kulang, para sa pang-araw-araw na gastusin.
Pero, alam ninyo, naniniwala pa rin ako na kapag gusto ay may paraan. Kaya kahit walang pera, pwede pa ring makapagsimula ng negosyo. Mahirap, pero hindi imposible.
Alamin natin! Pero bago mo basahin ang mga nasa ibaba, panoorin mo muna ang video na ito para magkaroon ka ng idea na posible talaga ang mga negosyong maliit lang ang puhunan.
6 Negosyong Pwedeng Simulan sa Maliit na Puhunan
Paano Magsimula ng Negosyo Kung Ikaw ay Walang Pera (o may Kaunting Pera)
Piliin mo sa mga paraang ito kung alin ang pasok sa sitwasyon mo. For sure, may mapupulot ka dito.
#1 Gamitin kung alin ang AVAILABLE.
Tignan mo sa paligid mo kung alin ang available o kung aling gamit mo ang pwede mong gamitin.
Halimbawa, kung mayroon kang Refrigerator, pwede kang magtinda ng yelo at ice candy. Makakabili ka ng plastic ng yelo sa halagang bente pesos.
Kung mayroon kang laptop at internet, humanap ka ng raket online. Syempre, gamit din ang kung anumang skills mayroon ka. Mag-offer ka ng mga online services gaya ng writing, picture editing, video editing, at iba pa.
BASAHIN: Side Business Ideas Para sa mga Dog Lovers
#2 Gamitin ang mga skills na mayroon ka.
Mayroon kang skill na pwede mong pagkakitaan. Baka hindi mo lang alam na pwede palang pagkakitaan ang skill mo. Kailangang alamin mo kung ano iyon. For sure, may bagay na magaling ka. Yung tipong lahat ng tropa mo, kapag kailangan ng ganoong bagay, sa iyo sila lalapit. Pero ginagawa mo iyon para sa kanila nang LIBRE. Alamin mo yun. Pwede mong pagkakitaan yun. Online man o offline.
BASAHIN: Mga Bagay na Pwede Mong Ibenta Online
#3 Maging masipag.
Pwedeng magnegosyo ang walang pera. Pero ang tamad, HINDI! Walang lugar sa pag-asenso ang mga taong tamad, pwera na lang kung marami kang pera. Pero kaya ka nga narito kasi naghahanap ka ng pagkakakitaan. Meaning, wala kang pera o kailangan mo ng EXTRA. Tama ba? Kaya naman, BAWAL ang TAMAD!
Kung magsisimula ka ng pagtitinda ng yelo, sipagan mo ang paggawa ng yelo. Baka naman paggawa na lang yelo ay katamaran mo pa.
#4 Palaguin ang puhunan o kapital.
Isa ito sa problema ng karamihang nagsisimulang magnegosyo. Kapag kumita na nang kaunti, gagastusin na kaagad sa kung anu-anong bagay. Ang tip namin, sa halip na gastusin ay idagdag muna ito sa puhunan para lumago ang negosyo.
Mula sa pagtitinda ng yelo, kapag kumita ka na, pwede mo nang gamitin ang mga kinita para maging puhunan sa pagtitinda ng mga frozen goods gaya ng hotdog, tocino, at iba pa. Di ba? Simple pero lumalago ang negosyo.
#5 Huwag panghihinaan ng loob.
Sabi nila, bukod sa ang pagnenegosyo ay para lang sa may pera, ang pagnenegosyo ay para rin sa mga malalakas ang loob. Sa pagnenegosyo kasi, hindi palaging kikita ka. Malaki ang risk na malugi ka. Sa pagnenegosyo, maraming rejections, maraming failures.
Nakakapanghina ng loob kung iisipin. Pero yang rejections na yan, yang mga failures, yan ang magdadala sa iyo sa success. Basta kailangan lang ay maging malakas ang loob mo at huwag kang mawawalan ng pag-asa.
Kung maging matumal ang benta, okay lang! Bawi na lang sa susunod. Huwag yung, naging matumal lang ang benta, ayaw mo na kaagad magnegosyo. Suko ka na agad.
Sana ay nakatulong sa iyo ang aming mga tips.
P.S. Alam mo bang nagpapa-utang ang gobyerno ng pera para sa mga maliit na negosyante? Kapag stable na ang negosyo mo, pwede kang mangutang dito para makapagpalago ka ng negosyo. >> Paano mag-avail ng pautang ng gobyerno?
Good luck sa pagsisimula ng negosyo.